Poetry at Sangam

SangamHouse

 










Aralin sa Kasaysayan (in Filipino)

Nakaturo sa kabundukan
ang mga kanyon ng mga kaaway
ngayong umaga ng Mayo
1897. Samantala

tinanggap ang atas
sa anyo ng pinid na liham
Huwag bubuksan. Pagdating
doon, buksan itong sulat

basahin nang malakas sa harap
ng dalawa at sunding mahigpit
kung ano ang sinasabi. Diyos
ang mag-ingat sa inyo

 
 
sa mahabang panahon
Sa mahabang panahon, mag-ingat
sa inyo na ang pinapatay
inyo ring kapwa Tagalog

Sapagkat nauulit nga
ang kasaysayan. Ang kasaysayan
na aniya, dapat katakutan
dahil dito walang maikukubli

Dito walang maikukubli. Dito
sa isang pook na may munting bundok
malapit sa Cawayanan, kabilang tubigan
nasa kanan ang sikat ng araw

 
 
Sana mahaba pa ang araw
sa kabundukan. Sana mahaba pa
ang araw sa kabundukan. Sana
mahaba pa ang araw sa kabundukan

Sana malayo pa sa sadya. Sana
malayo pang magpahinga. Sana hindi pa
buksan ang liham. Sana huwag muna
maputlan ng hininga. Sana malayo pa

ang mga kaaway. Ang mga kaaway
sana hindi mga kapatid. Kapatid
patawarin mo ako. Sana nga
nauulit ang kasaysayan

 
 
Ang mga salitang kipkip
sa liham, mga salitang ipininid
upang hindi matakasan ang takda
sa sandali. Sa pagbukas ng sulat

wala nang bukas. Dumating na
ang wakas, hindi pa man ganap
dumarating ang mga kaaway
Peloton! Preparen! Carguen

Armas! Ang mga salita
na nakapagpapatahimik. Ang mga salita
na nananahimik. Ang mga salita
na malaong hindi matatahimik

 
 
Maraming bersiyon ang kasaysayan
Maraming bersiyon ang mga berso
kahit ang mga bersong ito. Totoo
May kasaysayan ang mga berso

May mga berso sa mga pinaslang
Walang mga bersong pumapaslang
May mga berso sa isang maybahay
na naghahanap sa kanyang asawa

Mga bersong nagtatanong, Saan
naroon ang kinuha sa kanya
Mga bersong walang maitutugon
kundi isang malaking kabulaanan
 
 
Lesson in History (English Version)